Wednesday, March 29, 2017

Kalayaan Atin Ito FREEDOM vOYAGES

Kalayaan Atin Ito FREEDOM vOYAGES

ANG KATOTOHANAN SA USAPIN SA WEST PHILIPPINE SEA

March 2017
ANG KATOTOHANAN SA USAPIN SA WEST PHILIPPINE SEA

Kami po ay nandito ngayon para ipaalala sa ating lahat kung ano ang katotohanan sa isyu sa West Philippine Sea. Anu ang katotohanan sa mga pangyayari sa usapin sa West Philippine Sea? Ang mga pulitiko natin ngayon ay nagbabangayan na parang nakalimutan na nila kung saan nag ugat ang suliraning ito.
Sa kasalukuyan, pito na ang artipisyal na isla ang naitayo ng China sa isla ng Spratly kung saan ay nabuo ng China ang kinatatakutan ng buong mundo na “The Triangle” na binubuo ng Subi Reef, Fiery Cross at Mischief Reef. Ang Subi Reef na kilala nating Zamora Reef ay may 3,000 meters na paliparan, base militar at malawak na harbor o silungan ng mga barko na kayang mag accommodate ng 20 na submarines.  Ang Fiery Cross na kilala nating Kagitingan Reef ay kasalukuyang armado ng anti-aircraft weapons at close-in weapon system missile-defense system. Ito ay binabantayan ng mahigit na 200 na sundalong Tsino. Ang Mischief Reef na kilala nating Panganiban Reef ay 134 nautical miles lamang ang layo sa Palawan. Ito ay pasok sa ating exclusive economic zone at pinalilibutan ng unexplored natural oil and gas sa Recto o Reed Bank. Katabi ng Mischief Reef ang Ayungin Shoal kung saan nakasadsad ang BRP Sierra Madre na matapang na binabantayan ng ating mga sundalo dahil ang Sierra Madre ang natitira nating kalasag para hindi mapasok ang Recto Bank.
Balikan natin ang taong 2012 kung saan nakipag backdoor negotiation si Senator Trillanes sa China. Alam nating lahat na siya ang naging sugo ni dating pangulong Pnoy. Alam nating lahat na pagkalipas ng ilang buwan mula sa pakikipag-usap ni Senator Trillanes sa China ay doon nagsimula ang pagtatayo ng artipisyal na isla ng China sa Spratly. Taong 2012 din ng nawala ang Panatag Shoal o mas kilalang Bajo de Masinloc  o Scarborough shoal.
Ang tanung, anu ang napag usapan sa “backdoor negotiation”? Anu ang nangyari sa labing anim na beses na pakikipag-pulong ni Senator Trillanes sa China? Bakit hanggang ngayon wala pa silang ibinibigay na ulat tungkol dito?  Itanung natin ito kay Senator Trillanes at Congressman Alejano! Ginoong Trillanes, naghihintay ang taong bayan ng kasagutan.
Ang problema sa West Philippine Sea ay hindi umusbong sa nakaraang anim na buwan. Ito ay nag-ugat ilang taon na ang nakalipas. Maraming pulitiko ngayon ang maingay sa usaping ito at ginagamit ito para pag-awayin ang taong bayan. Wala kayong karapatan na pag-awayin ang bansang ito! Alam ng mamayan ang inyong ginagawa! Hindi namin papatulan ang balak ninyong guluhin at pag-awayin ang taong bayan! At higit sa lahat, wala kayong karapatan na gamitin ang isyu ng West Philippine Sea para sa inyong pansariling interes political.
Nasaan kayo noong kami ay umikot sa 81 na probinsiya sa buong bansa para manawagan ng pagkakaisa? Nasaan kayo nung kami ay naglayag sa Pag-Asa, sa Panatag at sa Ayungin Shoal? Nasaan kayo noong kami ay tinutugis ng nakaraang administrasyon sa aming layunin na manindigan para sa ating soberenya? Kung talagang kayo ay makabayan at tunay na dugong Pilipino ang nananalaytay sa inyong mga ugat, sanay kasama namin kayo na handang ibigay ang buhay upang ipakita na ang mga islang ito ay atin. Ang tanong ng masang Pilpino, mayroon ba ni isa sa inyo ang tunay at handang magbuwis ng buhay kapalit ng mga islang ito?
Ang dapat na inuuna ninyo ay isulong ang pagkakaisa at ituon ang nalalabing  lakas sa mga solusyon na dapat nating tahakin sa usaping ito. Suportahan natin ang ating mga sundalo. Palakasin ang Philippine Coast Guard. Tulungan ang ating mga mangingisda. Imulat ang mga mamayan sa katotohanan sa ating karagatan. Magkaisa! Manindigan bilang isang tunay na Patriyotikong Pilipino! Tama na ang kasinungalingan! Tama na ang panlilinlang sa taong bayan! Tama na ang personal na interes! Tama na ang bangayan! Tumigil na kayo! Shut up!

Pangunahan ninyo ang paglalayag sa ating karagatan! Kami na patuloy na lumalaban at naninindigan ay patuloy pa ding magbabantay at hindi namin hahayaan na paglaruan ninyo ang aming kinabukasan! Ginoong Trillanes, muli, naghihintay ng kasagutan ang taong bayan!!